Nung wala pa ko sa La Salle, ang tingin ko sa mga Lasalista mayayaman. ‘Yun naman yata talaga paniniwala ng mga tao sa labas. Tapos, nakapasok ako sa La Salle.
Iniisip ko, mayaman na mayaman ang La Salle. Bilang College Prof, nakasama ako sa isang SWOT analysis ng school, kasama ang ilang staff at I.S. teachers (elementary-high school teachers). Kaso, nung nagsuggest ang ibang staff at I.S. teachers sa recommendation part, sabi lakihan daw ang sweldo nila. Kaso, hindi pinansin ng school; baka malugi ang school pag nilakihan ang sweldo. So, hindi pala ‘yung school ang mayaman.
Nung nagpunta ako sa Accounting, at may tinanong ako na may patungkol sa sweldo ko, kinantyawan ako, malaki daw sweldo ko kasi College teacher ako. Naririnig ko rin na may mga I.S. teachers na nagrereklamo kasi mas malaki daw sweldo ng mga College teachers. So, ‘yung mga college teachers ang mayayaman? Pero pag tiningnan ko mga tao sa faculty room, hindi naman sila mga mukhang mayayaman. Kalimitan nga nakikisabay lang sila sa may sasakyan, kahit sa estudyante (talo pa sila ng estudyante), kasi mga walang sariling sasakyan. Ni hindi nga sa La Salle grumaduate karamihan at karamihan state university galing dahil mga can’t afford to study in La Salle. So, ibig sabihin, hindi 'yung mga empleyado 'yung mga mayayaman.
Inisip ko, baka nga ‘yung mga college students. Kaso, sabi nung head ng isang org na inadvise ko, kung mag-fu-fund raising, ‘wag daw sa college magbenta, dapat daw ang target market yung I.S. students (elementary-high school students), kasi daw yun yung mga mapepera. So, baka hindi ‘yung mga college students, kundi mga I.S. students. Pero pag hinoldap mo naman yung mga I.S. students, wala din namang perang maibibigay ‘yang mga ‘yan. Magkano lang pera nila sa bulsa? Kaya nga kung gagawan mo ng katarantaduhan na makukulong o mapapatay ka, kidnap, hindi holdap, para sa mga magulang ka hihingi ng perang pang-ransom. Kaya nga naisip ko, hindi ‘yung mga estudyante ‘yung mayayaman, ‘yung mga magulang nila.
Pero pag nagtaas ng tuition ang school, magrereklamo ang mga magulang. Mayaman na daw ang La Salle, magtataas pa ng tuition. Eh kaso, di ba, kasasabi ko nga lang sa simula na di naman pala mayaman ang school.
So, may mayaman ba talaga sa La Salle?
Ang kasulatang ito ay likha lamang ng mapaglarong isipan na ang tinutukoy na La Salle ay La Salle Canlubang, at sadyang kuro-kuro lang ang ibang bahagi ng mga salaysay para lang may maikwento. Alam kong hindi siyentipiko ang mga konklusyon nito at ni hindi ko man lang alam kung tama ang spelling ko ng siyentipiko at konklusyon. Kung hindi ka naaliw ay ‘wag mo na lang basahin.
